"Pwede
niyo po ba akong kwentuhan bago matulog?"
"Ano ba’ng gusto
mong kwento?"
"Gusto ko po ay
istorya niyo"
"Sige, iku-kwento
ko ang aming istorya ng matalik kong kaibigan"
"Sige po."
"Si Mikko ang aking matalik na
kaibigan. Matagal na kaming magkakilala. Mula pa noong kami'y musmos pa lamang
lagi na kami magkasama; sa pagkain ng paborito naming sorbetes, sa paglalaro
maghapon at maging sa pagligo araw-araw. Sabay kaming natutong magsulat
at magbasa. Sabay kaming natutong bumilang at sabay natutunan ang iba pang mga
bagay-bagay na itinuturo sa elementarya.
Si Mikko at ako ay hindi naging magkamag-aral
pagtungtong ng sekondarya ngunit madalas pa rin ang aming pag-istambay
pagkatapos ng klase. Tumatambay kami sa ilalim puno ng mangga hanggang abutin
ng madaling araw na gamit lamang ang munting liwanag na nagmumula sa lamparang nakasabit sa sanga. Hindi
namin alintana kung anuman ang iniisip ng iba. Matapos ang apat na taon, sabay
din kaming nagtapos ng sekondarya. Magkasama sa kalokohan, tawanan at saksi
kami sa bawat pag-ibig na nadaanan ng bawat isa. Ang unang pag-ibig, unang
halik at unang pakikipagtalik, unang pagkabigo sa pagmamahal, problema sa
pamilya ay hindi lingid sa kaalaman naming dalawa. Walang inililihim kumbaga,
maging libag sa bawat singit at kuyukot ay alam naming dalawa nung kami'y mga
bata pa.
Walang lihim. Iyan ang pangako naming
dalawa. Mga salitang iniukit namin sa puno ng mangga. Habambuhay na
pagkakaibigan ang sumpaan namin sa isa't isa.
Si Mikko at ako ay sabay na tinahak ang
mundo ng kolehiyo. Ako bilang isang nars at siya naman bilang isang inhinyero.
Bagamat magkaiba ang aming talakdaan ng pagpasok sa unibersidad ay pinipilit pa
rin naming magkita kapag may bakante kaming oras o araw. Kalimitan, isang araw
lamang sa loob ng isang buwan kami kung magkita, pero ang araw na iyon ang
siyang nagiging pinakamasaya sa lahat. Bawat araw ng pagkikita ay pagbuo ng
mga bagong pangarap. Pangarap para sa sarili at pangarap para sa bawat isa.
Nauna ako kay Mikko na makapagtapos ng
kolehiyo. Bago siya makapagtapos ay may trabaho na ako. Mas naging mailap
ang aming pagkikita. Isa hanggang dalawang beses sa loob ng kalahating taon.
Gayun pa man, kagaya ng dati, ang aming araw ng pagkikita ay ang siyang
nagiging pinakamasaya sa lahat. May kaunting pagbabago pero batid pa rin
niya kung ano ang gusto at kung ano ang ayaw ko. Hindi niya ginagawa ang
kanyang mga bisyo lalo na ang paninigarilyo sa harap ko dahil alam niyang may hika
ako. Lagi rin siyang may baong medisina para sa akin. Iniisip niya lagi ang
karamdaman ko. Matalik na kaibigan ko talaga si Mikko.
Lumipas ang ilang taon ay nagkaroon ako
ng kasinatahan at sa huli’y nagpasyang magpakasal sa susunod na taon. Si Mikko
at ang aking mapapangasawa ang kasama ko sa pag-aasikaso nito. Kasama si Mikko
sa pagtakda ng araw at oras kung kailan ang kasal. Kasama siya sa pagpaplano
kung saang simbahan at katulong din namin siya sa paggawa ng listahan ng mga
panauhing imbitado. Kasama siya sa pagpapasya kung saan gaganapin ang salu-salo at kung
ano ang ihahandang pagkain sa araw ng aking pakikipag-isang dibdib. Ganyan
kabuti at talagang maasahan ang matalik kong kaibigan.
Isang taon ang
lumipas, dumating na ang araw ng kasal ko. Malapit na magsimula ang seremonya.
Handa na ako at ang magiging asawa ko. Ilang minuto na lamang subalit wala pa
rin si Mikko. Para na akong alupihang hindi mapakali sa paghihintay sa
kanya. Naghihintay na ang lahat ng tao pero hindi ko itutuloy ang kasal na ito
kung wala ang matalik na kaibigan ko. Wala akong pakialam sa kahihiyang
matatamasa ko kahit mailathala man ito sa peryodiko. Hinanap ko siya sa loob ng buong
simbahan, ginala kong parang ahas ang aking paningin at nagtanong-tanong
kung siya ay nasaan. May isang batang lumapit at nagsabing bago raw siya
dumating ng simbahan, nakita raw niya sa ilalim ng punong mangga ang aking
matalik na kaibigan.
Mangiyak-iyak ako
sa aking napakinggan. Naglalakad akong patungo sa manggahan habang napapaluha
sa sobrang tuwa dahil akala ko ay bibiguin ako ng aking matalik na kaibigan.
Sa ilalim ng puno ng mangga, kung saan nakakabit pa rin ang lumang
lampara, nakita ko si Mikko. Nakaupo sa damuhan. Nakangiti sa akin habang ako'y
papalapit sa kanya. Pinaupo niya ako sa kanyang tabihan.
Si Mikko ang aking matalik na kaibigan.
Masayahin pa rin siya. Walang humpay na tawanan at walang hanggang kwentuhan
ang aming napagsaluhan sa ilalim ng puno ng mangga. Walang pakialam sa
tumatakbong oras. Ito ang unang beses na nagkita kami ngayong taon, at gaya ng
dati, ang araw na ito ang siyang pinakamasayang araw sa lahat, isang kasiyahan
na hindi mailalarawan kahit kuhanan pa ito gamit ang kamera. Malapit na ang
ika-lima ng hapon at ito ang takdang oras kung kailan nakatakda ang seremonya.
Parehong oras ng aming pagkikita rito sa ilalim ng puno ng mangga noong kami'y
mga bata pa. Biglang nanariwa ang aming masayang nakaraan at nagbalik-tanaw sa
makukulay na napagdaanan. Tahimik ang paligid. Pinapikit niya ako. Hinawakan
ang kamay at hinalikan sa pisngi at nagbanggit ng mga katagang "Malungkot,
pero masaya ako para sa'yo!". Hindi ko alam kung anong
nararamdaman ko. Napamulat ako at nakita kong siya'y naglalakad papalayo sa
simbahan. Hindi ko siya magawang tawagin. Napansin ko lamang ang isang papel na
kanyang iniwan sa puno ng mangga. Tinaga niya ng malalim ang dati naming inukit na
salita at doon isiniksik ang papel.
Para sa matalik kong kaibigan,
Bata pa lamang tayo ay nahulog na ang loob ko saiyo. Hindi ko saiyo sinabi dahil isang matalik na kaibigan lamang ang tingin mo sa akin. Ayaw ko itong sirain. Umaasa akong mawawala din ang pagtingin ko saiyo kasabay ng paglipas ng panahon. Subalit nagkamali ako. Sa paglipas ng mga araw na hindi tayo nagkikita, mas higit ang pananabik ng puso ko saiyo. Sinibukan kong magtapat saiyo pero kapagkaharap na kita, nawawala ang aking pagkabarako. Naduduwag ako. Sinubukan ko rin ang iba't ibang bisyo at nagbaka-sakaling makalimutan kita subalit bigo pa rin ako. Bawat araw na nagkikita tayo sa ilalim ng puno ng manggang ito, ibang bisyo pa rin ang nagagawa ko, at iyon ang bisyo ng pag-ibig sa'yo. Ang bawat araw kung kailan tayo nagkita ay ang siyang pinakamasaya sa lahat.
Patawarin mo ako dahil naglihim ako sa'yo. Sinira ko ang pangako nating inukit sa punong ito. Ngayong ikakasal ka na, ayaw kong maging parang puta na nagmamalinis at nagtatago ng kasalanan kapag kaharap ka. Ayaw kong madagdagan ang kasalanan ng paglilihim sa'yo.
Ngayong araw ang una at huli nating pagkikita sa taong ito. Masasabi kong ang araw na ito ang siyang pinakamapait, subalit kagaya ng dati, ito pa rin ang pinakamasayang araw sa lahat. Salamat!
Masaya ako para sa'yo.
Nagmamahal mong matalik na kaibigan,
Mikko
Ito ang aking lahok para sa Bagsik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy