Saturday, November 2, 2013

Appetizer!

Madaling araw nang magising siya sa malakas at nakaririnding alingawngaw ng alarm clock.

Alas-kwatro ng madaling araw. Bagsak na bagsak pa ang mga mata. Bumangon siya at nagtungo sa kusina upang kuhanin ang takure, maglagay ng tubig, at i-init ito. Halos nakapikit na ginawa ang mga nasabing bagay.

Habang nagpapakulo ng tubig, dumiretso sa banyo at nagsipilyo. Antok na antok pa. Napakabagal ng galawan.

http://iphc.org/sites/default/files/resources/2010/Oct/images/CHM-Coffee-Mug.png

Bumalik sa kusina upang magtimpla ng kape. Kailangan upang ang diwa ay tuluyang magising. Naglagay ng pulbos na kape, creamer, asukal saka kinuha ang takure at nagsalin ng mainit na tubig. Hinalo. Sa paghahalo ay may mga buo paring maiitim na pulbos na kape na lulutang lutang. Hinayaan. Upang tuluyang magising sa pait.

Kakaiba ang lasa. Marahil dahil sa hindi tuluyang tinunaw ang pulbos na kape. O marahil, dahil kakasipilyo lamang niya.

Naubos ang kape. Nagising na siya ng tuluyan. Kinuha ang takure upang lagyan muli ng tubig, painitan at ihalo sa pampaligo. Mabilis ang galawan.

Binuksan ang takip ng takure. Habang pinupuno ito ng tubig ay may nakitang mga lumulutang na pulbos na kape sa loob ng takure. Maiitim.

Nakapagtataka.

Kaunting pag-angat pa ng tubig, nakita ang hindi kalakihang piraso ng itim na plastik na hugis bilohaba...

Mga pakpak.




Sumilip, at nakita ang lasog-lasog na katawan ng ipis. 
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...